Nakilala ang mga nadakip na sina Hong Yen, 24, ng 1045 Fugoso St. Sta Cruz, Manila; Gun Jie Ang, 24, ng Abad Santos St., Sta Ana, Manila at ang babaeng si Tsien Tsien Chua, 24, Binondo, Manila. Ang tatlo ay pawang tubong Fookien, China.
Nasamsam sa mga nadakip ang may dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng may P4 na milyon.
Ayon kay Atty. Ruel Lasala, head ng NBI Narcotics Division, na ang mga nadakip ay matagal nang sumasailalim sa kanilang surveillance.
Noong nakalipas na Miyerkules nakatanggap ng tip ang mga ahente ng NBI tungkol sa isasagawang bentahan ng shabu ng grupo kaya agad nilang inihanda ang entrapment operation laban sa mga ito.
Isang undercover NBI agent ang nakipagkita kay Hong sa isang restaurant sa Binondo at nakipagkasundo na bibili ng may dalawang kilo ng shabu.
Sinabihan ni Hong ang agent na magkita sila sa isang restaurant sa Ongpin.
Ilang sandali pa ang lumipas ay pumasok sa restaurant ang dalawa pang suspect na sina Tsien at Gun at nang ibigay na ni Hong sa undercover agent ang isang bag na naglalaman ng shabu na nakabalot pa sa diyaryo ay nag-signal na ito nang pag-aresto.
Mabilis na dinakma ng iba pang NBI agent ang tatlo na nabatid na walang maipakitang travel documents.
Patuloy na tinutugis ng NBI ang iba pang kasamahan ng sindikato. (Ulat ni Ellen Fernando)