Kinilala ni P/Insp. Antonio Paulite, hepe ng Criminal Investigation Division (CID) ang nakatakas na suspect na si Rodelio delos Santos, ng #3 Yakal St., Doña Justa Village, Brgy. San Roque, Angono, Rizal.
Nasa kritikal na kondisyon naman ngayon sa Rizal Medical Center sanhi ng tinamong tatlong tama ng saksak ang biktimang si Cornelio Cabico, 21, binata, dancer, at residente ng #268 Mainroad, Brgy. Bilibiran, Binangonan, Rizal.
Sa ulat ni PO3 Efren Calix, imbestigador, naganap ang insidente dakong alas-2:40 ng hapon sa harapan mismo ng Pasig Prosecutors Office sa loob ng Rizal Capitol Compound, Brgy. Kapitolyo, Pasig.
Nabatid na nadakip ng Angono police si Cabico dahil sa umanoy pagdukot nito at panggagahasa sa 16-anyos na anak ni delos Santos na itinago sa pangalang Eden.
Kasama si SPO1 Edmundo Lorena, nagtungo sila sa opisina ng Rizal Prosecutors Office at ini-inquest ang kasong abduction with rape laban kay Cabico.
Matapos ito, sandaling iniwan ni Lorena si Cabico sa loob ng dala nilang Kia Pride na kotse sa harap ng gusali. Dito naman palihim na lumapit ang suspect na si delos Santos sa naturang sasakyan at sinugod ng saksak ang nagulantang na si Cabico.
Natigil lamang ang pag-atake ng galit na galit na si delos Santos nang sumaklolo si Lorena. Hindi naman nagawang madakip ito matapos na agad na makatakbo. (Ulat ni Danilo Garcia)