Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Ombudsman Aniano Desierto na sinimulan na ng Fact Finding Investigation Bureau (FFIB) na isailalim sa preliminary investigation sina City Engineer Alfredo Macapugay; Donato Rivera; Romualdo Santos; Severino Mariano; Rafael Galvez; Romeo Montallana at Gerardo Villaseñor.
Sinabi pa ni Desierto na hindi palulusutin ng prosecution ang mga nasabing kawani ng QC kung mapapatunayan na ang mga ito ang siyang responsable kung bakit hindi nakaligtas ang may 74 katao na nakulong sa loob ng nasabing hotel habang nagaganap ang sunog noong Agosto 18.
Magugunita na sinuspinde ang mga nabanggit na kawani mula sa kanilang mga tungkulin upang hindi makaimpluwensiya sa ginagawang imbestigasyon laban sa mga ito.
Una ng sinabi ng FFIB na may sapat na basehan na ang mga ito ay nagpabaya sa kanilang mga tungkulin matapos nilang payagan ang Manor Hotel na makapag-operate ng walang maayos na pasilidad, tulad ng fire extinguishers at mga fire exits.
Magugunitang dahil sa naganap na trahedya sa Manor hotel, nabunyag ang mga anomalya na nagaganap sa ibat-ibang tanggapan.
Isa sa natuklasan ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ay ang pagpirma ng isang utility worker sa lungsod sa pagbibigay ng permit sa mga establisimyento.
Ibunyag din kamakailan ng pamunuan ng Bureau of Fire sa Senado na mahigit sa 50 gusali at establisimento sa Metro Manila, ilan dito ay mga pagamutan at paaralan na sinasabing mga fire trap.(Ulat ni Grace Amargo)