Ayon kay Nañagas, palaging sumasailalim sa inspection ng Bureau of Fire Protection ang kanilang gusali at pasado ito sa mga panuntunan ng fire department patungkol sa mga kaligtasan ng mga pasyente at taong nagtutungo doon.
Tiniyak ni Nañagas na hindi nila maaaring ilagay sa kapahamakan ang kanilang libong pasyente at mga empleyado lalo pat maraming tao pa ang umaasa sa kanilang serbisyo.
Ibinase naman ng Senado sa ginanap na pagdinig kamakailan ang kanilang rekord sa lumang rekord kung saan kabilang sa nakatala ang PGH na fire hazard o fire trap.
Gayunman, nilinaw kahapon ni District Fire Marshall Supt. Pablito Cordeta ng Manila Fire Dept. na base sa kanilang rekord ay "70 percent deficient" ang PGH sa Fire Safety Code.
Kabilang umano sa mga nakatalang paglabag ng nasabing ospital ay ang kakulangan ng emergency lighting system, kakulangan sa stand pipe system, sirang mga fire alarms at obstruction sa mga fire exits.
Niliwanag ni Cordeta na bagaman nakakapag-comply ang PGH sa ilang mga requirement ay bagsak pa rin ito sa pinapakalat na Fire Protection Code sa kabuuan. (Ulat ni Ellen Fernando)