Nakilala ang mga suspect na nakadetine sa PNP-Intelligence Group sa Camp Crame na sina Vu Van Doc, 41, alyas Tom/Guyen na isang American national pero may dugong Vietnamese; Makoto Ito, 62, Japanese na Vietnamese rin ang origin at Hyuh Thuan Ngoc, 42, na isa namang Swiss at may lahi ring Vietnamese.
Ayon sa ulat, ang tatlo ay nadakip dakong alas- 7:30 ng umaga kamakalawa sa isinagawang raid sa kanilang tinitirhan sa Unit 17, Sylvania Town Homes, 304 P. Guevarra St., Brgy. Sta. Lucia, San Juan.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Franchito Diamate ng Pasig Regional Trial Court Branch 151. Nasamsam buhat sa mga suspect ang ibat-ibang kagamitan sa paggawa ng bomba, kabilang dito ang improvised devices na may booster, detonating cord, mga bag ng ammonium nitrate, improvised blasting caps, 12 volts batteries at mga cellphone.
Binanggit pa sa ulat na si Vu ay pakay ng malawakang dragnet operations ng Royal Thai Police sa Thailand dahil sa kinakaharap na kasong tangkang pagpapasabog sa Vietnamese Embassy sa Bangkok, Thailand noong Hulyo 19, 2001.
Bukod dito, sangkot rin umano si Vu sa bigong panununog sa Vietnamese Embassy sa London noong Setyembre 2, 2001. (Ulat ni Joy Cantos)