Ayon kay Chief Insp. Anthony Rodolfo, hepe ng District Police Intelligence Unit (DPIU), pinamamadali nila ang kaso laban kina Insp. Emmanuel Bautista, hepe ng Anti-Carnapping Unit; SPO1 Mario Pascual at PO3 Genaro Blacerca matapos na ito ay mahuli sa aktong nagbebenta ng sasakyan sa mag-asawang Sherilyn at Glen Bihag ng Pasay City.
Sinabi ni Rodolfo na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga ito ay standard operating procedure sa mga tauhan ng Philippine National Police na nahaharap sa anumang kaso.
Bukod sa carnapping, kinasuhan din ng graft si Bautista sa Quezon City Prosecutors Office samantalang ang pamangkin nitong si Manny Bautista ay sasampahan naman ng kasong illegal possession of firearms matapos itong mahulihan ng .32 beretta pistol.
Lumilitaw sa record ng Central Police District na bibilhin sana ni Glen Bihag ng GLN Manpower ang isang kotseng Toyota na may plakang UCK-140 na umanoy pag-aari ng isang nagngangalang Joseph Canares sa halagang P100,000.
Subalit dalawang lalaki ang lumapit at nagsabi na iyon ay isang carnap vehicle, hinintay niya si Canares na kasama niya sa Land Transportation Office, subalit hindi na ito muling bumalik,
Minabuti na lamang niyang magtungo sa Central Police District, subalit sinabihan siya ni Blacerca na magbayad na lamang ng P300,000 bilang multa sa kanyang "violation."
Inirekomenda naman ni QC Assistant Prosecutor Leopoldo Baraquia na for further investigation ang kaso dahil na rin sa pagsasampa ng kaso ng mga naturang pulis laban kay Bihag. Pinagsusumite ang magkabilang panig ng karagdagang ebidensiya. (Ulat nina Doris M. Franches at Jhay Mejias)