Text Power inilunsad

Dahilan sa inaasahang pagbabawas ng Globe at Smart Telecoms sa kanilang free text messaging, isang text group na tinaguriang TXT Power ang inilunsad kahapon sa Quezon City.

Sa isang press conference, sinabi ni TXT Power spokesman Anthony Ian Cruz, binuo nila ang nasabing grupo upang hadlangan ang anumang plano ng naturang cellphone company na bawasan ang benepisyong free texting para sa lahat ng kanilang cellphone users.

Binigyang diin ni Cruz, hindi tama at hindi makatuwiran na basta na lamang babawasan ng Globe at Smart ng may 40 porsiyento ang free text messages na ibinibigay sa kanilang mga cellphone users dahilan sa ang nabanggit na benepisyo ay nakasaad sa kasunduan ng mga cellphone owners at ng nabanggit na mga kompanya nang bilhin nila ang unit.

Ayon pa sa grupo, dapat pa ngang paghusayin ng naturang mga kompanya ang kanilang serbisyo sa kanilang mga kliyente sa halip na ang atupagin ay ang pagbabawas sa mga benepisyong binibigay ng mga ito sa kanilang mga kliyente.

Bunsod sa inaasahang pagbabawas ng free texting mula sa Setyembre 1 ng taong ito, hinikayat ng TXT Power ang lahat ng cellphone users na huwag gamitin ang kanilang cellphone sa araw na ito bilang pagtuligsa sa nabanggit na hakbang at mabawasan ang kita ng naturang mga kompanya. (Ulat nina Angie dela Cruz at Jhay Mejias)

Show comments