Kinilala ni P/Insp. Antonio Paulete, hepe ng Criminal Investigation Division (CID) ng Pasig City Police ang suspect na si Jonathan Gonzales alyas Joana ng Cattleya Wakas, Bgry. Pinagbuhatan, nasabing lungsod.
Sa ulat ng pulisya, nagtungo umano sa Mayors Office sa Pasig City Hall si Gonzales dakong ala-1:45 ng hapon at nagpakilalang pangulo ng Pasig Young Artist Theater Incorporated.
Nabatid na dala umano ng suspect ang isang sulat na may lagda ni Mayor Eusebio na nag-aapruba ng pagbibigay nito ng halagang P20,000 bilang pondo sa gaganapin nilang isang stage play na pinamagatang "Tabing Ilog-Save the Pasig River".
Pinaupo muna ng sekretarya ni Mayor Eusebio na si Felomena Caruncho, 40, si Gonzales at hinintay na dumating ang alkalde. Dito binirepika ni Mayor Eusebio na wala siyang inaaprubahang pagpopondo sa isang stage play at peke ang ginamit na pirma nito sa naturang sulat na halos kahawig ng tunay na lagda ng alkalde.
Agad na tumawag sa istasyon ng pulisya si Caruncho at dinakip ang nasorpresang si Gonzales.
Kasalukuyang nakapiit sa Pasig dentention cell ang suspect at nahaharap sa kasong estafa, perjury at falsification of documents. (Ulat ni Danilo Garcia)