Base sa 11-pahinang desisyon ni Regional Trial Court Judge Zosimo Escano ng Branch 259, napatunayang nagkasala ang mga akusadong sina Christopher Talita, 36, at Abraham Cinto, nasa hustong gulang, pawang walang hanapbuhay, ng Sitio Imelda, Brgy. Upper-Bicutan, Taguig, Metro Manila dahil sa isinampang kasong murder, frustrated murder at attempted murder sa mga ito.
Bukod sa parusang kamatayan ay iniutos pa ni Escano sa mga akusado na magbayad ng halagang P100,000 para sa pamilya ng napatay na biktima na si Marilou Tolentino at P388,478 naman sa mga hospital bills ng nasugatang biktima na si Marte Sarte, 25, pamangkin ng nasawi.
Base sa rekord ng korte, dakong alas-2 ng hapon noong Agosto, 1998 habang pababa ng sasakyan sa may M. Espiritu St., Brgy. San Antonio Valley 1, Parañaque, ang mag-tiyahin kasama ang asawa ni Sarte na si Sunshine, 23, habang tangan nito ang kanilang 2-anyos na anak na lalaki ay pinagbabaril sila ng 9mm ng akusadong si Talita.
Nang makitang napuruhan ni Talita si Tolentino habang malubhang nasugatan si Sarte ay mabilis na tumakas ang una patungo sa nakaabang na motorsiklo ni Cinto na nakaparada sa di kalayuan ng pinangyarihan ng insidente.
Nakuha naman ng mga saksi sa insidente ang plate number ng nasabing get- away vehicle at kinumpirma ng may-ari ng sasakyan na si Manuelito Balais sa isang interogasyon sa pulisya na nirentahan ito nina Talita at Cinto noong araw na isagawa ang krimen.
Binigyang puntos ng nasabing hukom ang pagkilala ng mag-asawang Sarte sa mga akusado dahil sa tanghaling tapat nang maganap ang pananambang sa mga biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)