Sunog pa sa Manila at QC

Sa kabila nang matinding pagbuhos ng ulan kahapon, dalawa na namang sunog ang naganap sa Maynila at Quezon City na tumupok sa kabuuang P4 milyong halaga ng ari-arian.

Sa Maynila, naganap ang sunog dakong alas-9:15 ng umaga sa isang gusali sa Quiapo.

Tinupok ng naganap na sunog ang isang gusali na pagmamay-ari ng negosyanteng Fil-Chinese na si Lito Tan na nasa kanto ng Bautista at Quezon Boulevard, Quiapo.

Sa unang pagsisiyasat, electrical short circuit ang sanhi ng sunog na nagsimula sa kisame ng nasabing establisimento. Naapula ang sunog dakong alas-10 na ng gabi.

Tinatayang P3 milyong halaga ng ari-arian ang naabo ng sunog.

Samantalang sa Quezon City, isang milyong halaga ng spare parts ang naabo sa naganap na sunog sa tatlong palapag na gusali sa Banawe sa kanto ng Tanlad, Barangay Josefa, Quezon City, kahapon ng umaga.

Nagsimula ang sunog dakong alas-8:35 ng umaga sa ikatlong palapag sa store room ng Four Land Spare Parts Corporation na pag-aari ni Sammy Tan.

Idineklarang fire-out ang sunog dakong alas-9:21 ng umaga kahapon. (Ulat nina Ellen Fernando at Jhay Mejias)

Show comments