Kasabay nito, nadiskubre ng CPD na hindi sinunod ang five-storey structure na nasa blueprint na una nang inaprubahan ng city engineering office.
Ayon kay Criminal Investigation Unit-Homicide Division chief, Senior Insp. Rodolfo Jaraza, ang naturang gusali ay maituturing na "death trap" bunga na rin ng hindi pagkakasunod sa inaprubahang blueprint.
"Kailangang malaman namin kung sinunod nga ng may-ari ang nasa blueprint sa pagpapatayo ng building subalit nakita namin na kakaiba ang nakasaad sa blueprint at sa talagang construction nito," ani Jaraza.
Lumilitaw din na pawang may mga obstruction sa mga fire exits sakaling dumating ang insidente ng sunog. Aniya, bawat palapag ay mayroong mga fire exit subalit hindi ito madaraanan dahil may mga bakal na nakaharang at may mga protruding airconditioning units. Kaya kahit na tumakbo patungo ng fire exit, hindi rin talaga makakadaan dito.
Nabatid pa kay Jaraza na ang Manor Hotel ay itinayo bilang isang 2-storey commercial establishment noong 1991 hanggang sa madagdag ang palapag nito at gawing isang hotel.
Bunga na rin ng hindi pagsunod kung ano ang nakalagay sa blueprint, maaaring madadagdagan pa ang kaso ng may-ari ng hotel at madadagdagan din ang mga city officials na maaaring masangkot sa kaso. (Ulat nina Doris Franche at Jhay Mejias)