Ex-DECS Sec., 3 pa, hindi makakakuha ng benepisyo

Apat na dating opisyal ng Department of Education, Culture and Sports (DECS) ang hindi na pinahintulutan na makuha ang kanilang benepisyo mula sa gobyerno.

Ito ay makaraang aprubahan ni Ombudsman Aniano Desierto ang pagbibigay ng kaparusahan laban kina dating DECS Secretary Andrew Gonzales; Undersecretary Bartolome Carale; Victor Andres Manhit at Assistant Secretary Emmanuel Mariano.

Batay sa rekord ng Ombudsman, si Gonzales ay guilty sa paglabag sa ‘conduct prejudicial to the best interest of the service’, ito ay matapos na aprubahan nito ang umano’y tagong account ni Undersecretary for Finance and Administration Antonio Valdez.

Ang 12 milyong halaga ay inilagay sa nasabing account ni Valdez, kung saan ito ay idinonate ng Land Bank sa DECS para sa pambili ng mga kagamitan sa iba’t ibang paaralan.

Dahil din dito’y, napatunayan na lumabag din si Valdez sa laws and regulation governing procurement of property dahil sa kabila ng kaalaman nito na inaprubahan ni Gonzales ang paglilipat ng naturang halaga sa kanyang account ay hindi nito inireport ang nasabing insidente.

Alam din umano ito nina Manhit at Carale, subalit hindi rin nila iniulat.

Nabatid naman na si Mariano ay tinanggal sa tungkulin dahil sa direktang partisipasyon nito sa pagbili ng tatlong unit ng sasakyan na pawang mga luxury vehicles.(Ulat ni Grace Amargo)

Show comments