Sa isang panayam, sinabi ni DENR-NCR director Corazon Davis, anumang oras ngayon ay handa nilang ilatag sa pamunuan ng LMG ang Ceast and Desist Order (CDO) laban sa kompanya kapag napatunayang lumabag sa itinatakda ng Environmental Clearance Certificate (ECC).
Isang grupo ng NCR-DENR team ang nagtungo kahapon sa LMG Chemicals, pagmamay-ari ng Philchem Corp. na sinasabing pinagmulan ng nakakalasong usok na nakaapekto sa maraming bilang ng mga residente sa Brgy. Pinagbuhatan at Kalawaan sa nabanggit na lungsod.
Bukod sa CDO, maaaring pagmultahin ng DENR ang LMG ng halagang P50,000 kapag napatunayang lumabag sa ECC.
Kapag naisilbi na ang CDO, maaari ding hindi na mabuksan ang operasyon ng LMG kapag hindi inayos ang environmental management plan ng naturang kompanya.
Una rito, pinadlock na ng Pasig City government ang LMG Chemicals matapos na tanggalin dito ang business permit ng kompanya. (Ulat ni Angie dela Cruz)