Sa isang press conference na isinagawa ni Belmonte sa Bulwagan Hall ng Quezon City, ang mga sinibak sa puwesto ay sina Engr. Romeo Montillana, chief ng electrical division; Engr. Gerardo Villaseñor, electrical inspector II; Jose Calaug, licensing inspector II; Voltaire Padilla, licensing inspector II; Godfrey Colet at Willie Jerez, utility worker.
Ipinaliwanag ni Belmonte na sinibak niya ang mga nabanggit para mabigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon kung sino ang mga dapat panagutin sa malagim na trahedyang naganap sa Manor Hotel.
Aniyay ito ay para maiwasang magkaroon ng whitewash sa kaso.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Quezon City Vice-mayor Herbert Bautista, napag-alaman umano niya sa isang impormante na ang utility worker na si Jerez ay nagagawang pumirma sa mga business permits. Hindi pa umano niya malaman kung sino ang nagbigay dito ng kapangyarihan na pumirma at mag-approve ng maseselang dokumento.
Samantala, inihahanda naman ng mga tauhan ng CPD police ang paghaharap ng kaso sa mga taong dapat panagutin sa naganap na sunog sa Manor Hotel.
Bagamat, hindi pinangalan ni Chief Inspector Rudy Jaraza, chief ng homicide division ng CPD ang mga kakasuhan, sinabi ng source na anim na opisyal sa Quezon City Hall ang kabilang dito.
Naantala ang paghaharap ng kaso dahil sa patuloy pang pangangalap ng mga ebidensiya ang pulisya para tumibay ang kasong kanilang ihaharap sa korte.
Magugunitang nauna nang nagharap ng kaso ang Bureau of Fire Protection laban sa may-ari ng Manor Hotel na si William Genato.
Nauna na rin namang sinibak sa puwesto ni Mayor Belmonte ang dalawang mataas na opisyal sa city hall na sina Engr. Danny Macapugay, hepe ng Engineering Department at Ret. Col. Rafael Galvez, ng Business Permit and Licensing Office.
Binanggit pa ni Jaraza na nadiskubre rin nila na nawawala ang blue print o plano ng gusali kung kaya mahihirapan sila na matukoy kung sinu-sino ang gumawa at nagplano ng pagpapatayo ng nasunog ng hotel. (Ulat ni Jhay Mejias)