^

Metro

Ombudsman pasok sa Manor Hotel fire

-
Iniutos kahapon ng tanggapan ng Ombudsman ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon laban sa mga opisyal ng Quezon City na responsable sa pagpapatayo ng gusali ng nasunog na Manor Hotel noong nakaraang Sabado, kung saan nasawi ang may 73 katao.

Kasabay naman nito, ipinag-utos na rin kahapon ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte Jr., ang pangangalap ng mga dokumento mula sa city’s engineering office upang siyang maging batayan sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa may-ari ng nasunog na hotel.

Sa isang pahinang memorandum order, inatasan ni Ombudsman Aniano Desierto si Atty. Eduardo Olaveria para pangunahan ang three-man panel na siyang magsasagawa ng imbestigasyon sa ilang opisyal sa Quezon City na nagpahintulot na magpatayo ng nasabing hotel ng walang kaukulang pasilidad at emergency exit, na siya ngang naging balakid sa pagkasawi ng maraming naka-check-in dito noong nakalipas na Sabado ng madaling araw.

Samantala, sa isang press conference naman na isinagawa kahapon ni Mayor Belmonte, sinabi nito na sinisimulan na umano ng mga tauhan ng Criminal Investigation Unit ng CPD ang pagkalap ng mga dokumento batay na rin sa kanilang kahilingan na may kinalaman sa operasyon ng naturang hotel.

Kasabay nito, pansamantalang ipinasara ni Belmonte ang tanggapan ng city’s engineering office at business permits and licensing office upang maiwasan ang pagpupuslit ng mga mahahalagang dokumento na may kinalaman sa pagbibigay ng permit para sa operasyon ng Manor Hotel.

"Okey lang na ipasara ng kalahating araw ang dalawang tanggapan kung ang layunin naman ay mapangalagaan ang anumang ebidensiya o dokumento na siyang makapagbibigay linaw sa imbestigasyon na gagawin laban sa may-ari ng hotel," pahayag pa ng Mayor.

Binanggit pa ng alkalde na nakausap na rin niya si City Engineer Alfredo Macapugay at itinanggi nito na may kinalaman siya sa pagbibigay ng permit sa hotel sa kabila ng mga nilabag nitong provisions ng National Building Code.

Idinagdag pa ni Belmonte na isang fact-finding committee ang itatatag. Ang mga miyembro nito ay manggagaling sa labas. Walang opisyal ng city hall ang magiging miyembro ng komite upang maiwasan ang anumang pagdududa.

Kasabay nito, bubuo rin ang pamahalaang lungsod ng 30-team na siyang magsasagawa ng agarang inspeksyon sa lahat ng establisimento sa lungsod upang maiwasan na ang ganitong kahalintulad na trahedya.

Inihayag naman ni Senior Inspector Rudy Jarasa, ng homicide division ng CPD na hawak na nila ang ebidensiyang magdidiin sa may-ari ng hotel na si William Genato, isa nga rito ay ang dokumentong nakuha sa business permit and licensing office na nagpapakita na isang establisimento lamang ang inapply ni Genato para sa permit at hindi para sa isang hotel noong taong 1992.

Kaugnay nito, ipinasara din ng Quezon City government ang Sir William Hotel na matatagpuan sa Timog Avenue, sa naturang lugar dahil sa paglabag nito sa umiiral na fire safety building code. (Ulat nina Grace Amargo, Doris Franche at Jhay Mejias)

BELMONTE

CITY

CITY ENGINEER ALFREDO MACAPUGAY

CRIMINAL INVESTIGATION UNIT

DORIS FRANCHE

HOTEL

KASABAY

MANOR HOTEL

NITO

QUEZON CITY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with