Caretaker, natagpuang patay

Tadtad ng saksak sa katawan at basag ang bungo nang matagpuan ang bangkay ng isang 24-anyos na caretaker ng isang farm kahapon ng hapon sa Caloocan City.

Si Lorenzo Managan Jr. caretaker ng mga manok sa farm na matatagpuan sa Rogeo Compound Metal Fabrication, P. Dela Cruz St., ng nabanggit na lungsod ay wala ng buhay nang matagpuan ng may-ari nito na si Carlos Wenconsilio.

Lumalabas sa imbestigasyon ni PO2 Jimmy Margarito ng Caloocan police sub-station 2 na dakong ala-1 ng hapon nang makita ang bangkay ng biktima na tadtad ng saksak sa katawan at basag ang bungo nito sanhi ng pagkakapalo ng maso.

Samantala, patuloy namang pinaghaharap ng pulisya ang assistant ng biktima na isang Romeo Puntay na siyang huling kasama umano ng una bago natagpuan ang bangkay nito.

Natagpuan naman ng mga kagawad ng Scene of the Crime Office (SOCO) sa lugar ng krimen ang mga kutsilyo at maso na ginamit sa pamamaslang na nasa tabi ng bangkay ng biktima.

Patuloy namang inaalam ng pulisya kung ano ang motibo sa pamamaslang. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments