Kasabay nito, nilinaw ng Alkalde na umaabot lamang sa 70 katao ang bilang ng mga nasawi mula sa unang naipalabas na bilang sa nasabing sunog sa Hotel na pag-aari ng isang Wil-liam Genito na matatagpuan sa kanto ng Anonas at Kamias St.
Sinabi ni Belmonte na ang binuong fact-finding team ay hindi magmumula sa lokal na pamahalaan ng QC kundi magmumula sa mga pribadong indibiduwal upang matukoy ang katotohanan sa nasabing trahedya.
Aniya, lumitaw na 62 katao ang nakuhang mga patay mula sa nasunog na hotel kamakalawa bandang alas-4:25 ng madaling-araw habang walo(8) naman ay nasawi habang ginagamot sa mga pagamutan.
Idinagdag ng alkalde na pawang suffocation ang ikinasawi ng mga biktima na halos mga miyembro ng Jesus Is Lord Movement at The Garden Bible Church.
Dahil dito, agad na iniutos ni Belmonte na sibakin sa puwesto si QC Fire marshall Supt. Ricardo Lamense dahil sa kapabayaan nito sa trabaho nang mabigyan ng permiso ang nasabing hotel gayung kulang ito sa mga fire exits at ang mga bintana ay pawang nakahinang ang iron grill kaya hindi makalabas ang mga naka-check-in dito nang masunog.
Bukod dito, pinabubusisi na rin ng Alkalde ang iba pang rekord kabilang ang pag-iinspeksyon sa mga hotel at apartelle sa lungsod upang malaman kung may sapat na fire exit at ventilation upang maiwasan na maulit ang naturang insidente.
Inirekomenda rin nito ang isang independent investigation ng mga justices laban sa mga responsable sa sunog upang maiwasan ang anumang impluwensya ng mga may-ari nito sa isinasagawang imbestigasyon.
Samantala, hiniling ni QC Vice-Mayor Herbert Bautista na magsagawa ng pagbalasa sa Engineering Office ng lungsod dahil sa pagkakaloob ng mga ito ng permiso sa mga establisimiyento tulad ng Manor Hotel na kulang sa mga fire exits.
Napag-alaman na ang mga fire exits ng nasunog na hotel ay mga barado at ginawang bodega kaya nahirapan ang mga biktima na makalabas upang makaiwas sa sunog.
Kaugnay nito, inatasan na rin kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo sina Interior Sec. Joey Lina at Justice Sec. Hernando Perez na tiyaking mapapanagot sa batas ang responsable sa sunog.
Ayon kay Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao, nais ng Pangulo na tiyakin nina Perez at Lina na walang magaganap na whitewash sa imbestigasyon.
Kahapon ng hapon ay inihayag naman ni CPD Director Sr. Supt. Ricardo Tor na nagpadala na ng surrender feeler ang may-ari ng nasabing gusali na si Genito. Hindi naman binanggit ni Tor kung anong oras susuko ngayon ang nasabing hotel owner. (Ulat nina Rudy Andal,Doris Franche at Jhay Mejias)