Fixers sa LTO aktibo pa rin

Aktibo pa rin ang mga fixers sa Land Transportation Office (LTO).

Ito ang mismong inamin ni LTO Asst. Secretary Gen. Eduardo Abenina sa pagdinig ng House Committee on Transportation and Communications kaugnay sa sistema ng pagbibigay ng driver’s license sa mga aplikante.

Sinabi ni Abenina na hindi mawawala ang mga fixer sa anumang ahensiya ng pamahalaan hangga’t hindi nababago ang mga prosesong sinusunod sa ngayon.

Natural lamang aniya sa mga tao ang humanap ng paraan para mapadali ang kanilang transaksyon.

"Ang pagkakaroon ng fixers sa isang ahensiya ng gobyerno ay maihahalintulad sa baha, kung saan mayroon tayong mga kababayan na maabilidad at nakakaisip na maglagay ng tulay na kahoy upang makatawid ang tao at hindi mabasa ng baha," ani Abenina, founder ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabayan o RAM.

Sinabi pa nito na kung magiging simple lamang ang proseso sa pagkuha ng lisensiya ay tiyak na iiwas na ang mga tao sa fixers.

Nangako si Abenina na unti-unti niyang aalisin ang ‘flooded areas’ sa LTO upang tuluyang malinis ang nasabing ahensiya. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments