Nagharap ng ordinansa ang isang konsehal ng Maynila na nagbabawal sa tinatawag na "labor-only contracting practice" ng mga employers para lamang makaiwas ang mga ito na gawing regular ang kanilang mga empleyado.
Ayon kay Konsehal Julio Logarta Jr. (6th District), sponsor ng nasabing ordinansa, mahigpit na ipinagbabawal ng kanyang mungkahing ordinansa ang nasabing practice sa buong lungsod dahil lugi umano ang mga empleyado sa ganitong uri ng sistema.
Ang labor-only contracting practice ay isang uri ng arrangement kung saan ang contractor o subcontractor ay nagre-recruit, nagsu-supply o nagpapadala ng mga trabahador para magsagawa ng trabaho sa isang principal. Sa ilalim ng nasabing set-up, ang contractor o subcontractor ay walang sapat o malaking kapital o investment sa sarili nitong account at responsibilidad. Samantala, ang mga empleyado na ni-recruit ay gumagawa naman ng mga trabaho na may direktang kinalaman sa negosyo ng principal.
Sinabi ni Logarta na sa pamamagitan ng ganitong sistema, napakadali para sa isang employer ang umiwas sa responsibilidad na gawing regular ang kanyang mga empleyado sa dahilang hindi naman siya ang direktang employer ng mga ito. Sa ilalim ng Labor Code, ang isang empleyado ay dapat nang maging regular ang status sa halip na casual lamang kapag siya ay may anim na buwan nang nagtatrabaho. (Ulat ni Andi Garcia)