Sikyu na-shotgun ang sarili, dedo

Aksidenteng nasawi ang isang security guard makaraang madulas at naiputok ang hawak niyang shotgun, kamakalawa ng gabi sa lungsod Quezon.

Hindi na umabot pang buhay nang isugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Rodolfo Alejandro, 30, sikyu sa Manila Seedling Foundation na nasa Brgy. Pag-asa sa Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Rusty de Leon ng CPD Criminal Investigation Unit, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng nasabing tanggapang binabantayan ng biktima.

Napag-alaman na habang naglalakad ang biktima patungo sa gate ng naturang kompanya ay bigla itong nadulas at aksidenteng nakalabit ang hawak na shotgun na tumama mismo sa kanyang leeg at dibdib.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima subalit hindi na umabot pang buhay.

Sinisiyasat pa ng pulisya ang naturang insidente. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments