2 jailguards ng BI, sinibak sa pagkasawi ng Indian national

Sinibak kahapon ni Immigration Commissioner Andrea Domingo, ang dalawang jailguard ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa detention center sa Bicutan, Taguig kaugnay sa pagkamatay ng isang bilanggong Indian national, noong nakaraang Biyernes.

Inatasan din ni Domingo na magpaliwanag sa loob ng 72-oras ang mga jailguard na sina Romer Bunag at Jorge Reyes, ng BI Civil Security Unit kung bakit hindi sila marapat na suspendihin o i-dismis mula sa kanilang serbisyo dahil sa kasong grave misconduct kaugnay sa pagkamatay ng Indian national na si Satnam Singh, 34.

Batay sa ulat na tinanggap ni Domingo, Biyernes pa lamang umano ng umaga ay dumaing na sa dalawang jailguard ang biktima nang pananakit ng dibdib subalit sa halip umanong dalhin sa pagamutan ang bilanggong dayuhan ay hiningan pa ito ng pera ng mga suspect.

Nang mabigo si Singh na magbigay ng pera ay sinabihan pa umano ng mga jailguard ang nasawi na maghintay na lamang ng susunod na guard shift na siyang hingan ng tulong.

Kinahapunan ay namatay si Singh sa Manila Medical Center (MMC) na dito siya isinugod matapos atakihin ng sakit sa puso.

Pinagpapaliwanag na rin ni Domingo si Dr. Elsie Lobrin, physician ng BI kung bakit hindi siya dapat na masangkot sa pagkamatay ng Indian national dahil na rin sa mga tinanggap na ulat na kulang umano sa atensyong medical ang mga bilanggo sa Bicutan jail. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments