Pamilya ng nasawi sa hazing, dismayado

Dismayado ang pamilya ng nasawing estudyante ng Far Eastern University (FEU) dahil sa hazing ng fraternity ng Sigma Mu Sigma Confraternity sa Calamba, Laguna, dahil umano sa hindi pakikipagtulungan ng pamilya ng lima pang biktima nito sa ikareresolba ng nasabing kaso.

Napaiyak sa sama ng loob si Sonny Albano II sa panayam dahil pakiramdam nito na hindi makikipagtulungan ang pamilya ni Rod Tamondong, 28, isa sa mga sugatang biktima ng hazing na kasama sa initiation rites ng nasabing fraternity.

Sinabi ni Albano na nakausap nito ang ama ni Tamondong sa isang ospital sa Quezon City at aniya’y hihintayin muna ng huli na gumaling ang kanilang anak bago ito makausap hinggil sa nasabing insidente.

"Papaano kung sila ang namatayan ng anak at ako naman ang nasa kalagayan nila? Ano kaya ang magiging pakiramdam nila? Di sila naman ang humingi ng tulong sa akin," lumuluhang pahayag ng ama ni Rafael Albano III na hanggang ngayon ay nakaburol pa rin sa kanilang tahanan.

Sinabi rin ni Albano na kamakalawa ay pinuntahan nito ang ospital na pinagdalhan kay Tamondong at dito nakausap nito ang ama, aniya’y hindi siya pinansin nito nang magpakilala siya bilang ama ni Rafael.

Gayunman, sinabi ni Albano na blangko ang isipan ng mga sugatang pamilya ng hazing, magulo ngunit kailangang maintindihan din ng mga ito ang nangyari sa kanya na nawalan ng anak. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments