Ayon sa pahayag ni Sonny Rafael Albano, ama ng nasawi na nakumpirma niya na ang lima pang biktima ng hazing na kasamahan ng kanyang anak ay naka-confine sa pagamutan dahil na rin sa naganap na initiation rites.
"Pinipilit kong makipag-usap sa limang biktima pa ng hazing na nakasama ng aking anak upang malinawan kung ano ang tunay na ikinamatay ni Rafael," dagdag pa ni Albano.
Kaugnay nito, pinag-aaralan pa ng matandang Albano kung sasampahan niya ng kasong anti- hazing law si Dr. Victorino Manjila, professor ng FEU at adviser ng fraternity sa nasabing paaralan.
Aniya, depende sa mga magiging pahayag ng iba pang biktima na nakasaksi sa insidente at kapag napatunayan na may kinalaman si Dr.Manjila sa pagkamatay ng kanyang anak ay sasampahan niya ito ng kaso.
Nabatid na ang ilan pang biktima na ginagamot sa mga pagamutan sa Quezon City ay nakilalang sina Rochelle Batara, 22; Rod Tomandong, 20; Alvin Alitor, 20; Gina Ilagan, 21, at Melvyn Marges, 21, pawang estudyante rin ng FEU Fairview sanhi rin ng tinamong mga pasa at palo sa isinagawang initiation rites. (Ulat ni Jhay Mejias)