Sa isinagawang press conference kahapon sa Camp Karingal, sinabi ni CPD Director Chief Supt. Rodolfo Tor, kanila nang pinalaya at hindi sinampahan ng kaso si Philip Lustre Jr., professor ng Journalism sa Lyceum of the Philippines sa Maynila na naunang nailathalang sangkot sa panununog at pagpatay sa kanyang live-in partner na si Violeta Robles, 26, nursing graduate sa Far Eastern University at pinsang buo na si Veronica Roxas, mga pamangking sina Jun Jun, 11, AC, 6 at ang kambal na sina Mira, 11 at Mara 11.
Ang mga bangkay ng biktima ay natagpuan matapos na maapula ang mahigit kumulang sa isang oras na sunog sa inuupahang apartment ni Robles sa No. 54-F Malakas St. Barangay Pinahan, Quezon City.
Idinagdag pa ni Tor, hanggat walang matibay na ebidensiya o testigong makukuha ang mga tauhan ng CPD-Criminal Investigation Unit at Central Fire na siyang humahawak sa kaso na makakapagpatunay na responsable si Lustre sa naganap na sunog ay hindi umano maaaring sampahan ito ng pulisya ng kasong arson.
"Yung sinasabing natagpuang LPG tank malapit sa pintuan ay hindi maaaring gawing batayan para kasuhan si Lustre ng arson, maging iyung nangyaring pag-aaway nila ni Violeta hindi rin dapat na gawing basehan at ito ay malabo," ani Tor. (Ulat ni Jhay Mejias)