4 highway robbers timbog

Apat katao na nagpanggap na reservist ng Phil. Army (PA) at pinaniniwalaang responsable sa serye ng highway robbery holdup ang nasakote ng pulisya sa Parañaque, kahapon ng madaling-araw.

Ang mga suspect ay kinilalang sina Ellaguim Babor, 43, jeepney driver; Luis Bautista, 52; Rodrigo Vargas, 50, at Manuel Bantayan, 33.

Ayon kay Senior Superintendent Jose Gutierrez, director ng Southern Police District Office, nadakip ang mga suspect sa kanilang hideout dakong alas- 2 ng madaling-araw sa Severina Diamond Subdivision, Marcelo Green Village, Parañaque City.

Nakasuot pa ng fatigue uniform ang mga suspect ng madakip ng mga pulis at nagpakilalang miyembro ng reserve command ng Phil. Army.

Nasamsam sa mga suspect ang tatlong .45 cal. pistol, balisong at isang kotse na may plakang PYB-270. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments