DNA test kay Candazo, hiling

Hihilingin sa hukuman ng abogado ng dating live-in partner ni dating Marikina Congressman Romeo Candazo na ipursigeng ipasailalim ito sa DNA test upang patunayan na siya ang ama ng anak nito sa una.

Ito ang naging pahayag ng abogado ni Celina Buencamino na si Atty. Ramon Aviado, Jr.

"Hihilingin ko sa korte na magsagawa ng DNA test kay Candazo upang patunayan na siya ang ama, kaya’t huwag siyang tatanggi dito," ani Atty. Aviado.

Si Buencamino ay dating empleyada ng House of Representatives na naging live-in partner ng dating mambabatas.

Nagkaanak umano sila ng babae na ngayon ay 13-anyos na at nagngangalang Andrea Francesca.

Mariin namang itinanggi ni Candazo na anak niya ang nasabing dalagita kaya’t nagsampa ng reklamo si Buencamino sa Marikina Regional Trial Court sa sala ni Judge Reuben dela Cruz laban sa una upang makakuha rin ng suporta para sa kanyang anak. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments