Binata nilasing muna bago pinatay

Nilunod muna sa alak bago pinatay sa saksak ng isang barangay tanod ang kanyang kainuman kahapon ng umaga sa Las Piñas City.

Kinilala ang suspect na si Bojie Abihay, ng #1337 Mangga St., Phase 1, CAA Compound, ng lungsod na ito ay nakakulong ngayon sa Las Piñas City police detention cell.

Ang biktima naman ay nakilalang si Arvin Castillo, 22, binata, walang trabaho, ng #1337 Mangga St., ay hindi na umabot ng buhay nang isugod sa Las Piñas Doctor Hospital sanhi ng malalim na saksak sa dibdib buhat sa isang patalim.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-7:35 kahapon ng umaga sa nabanggit na lugar. Nabatid na nag-iinuman umano ang suspect at biktima at pagkaraan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga ito.

Napag-alaman na may matagal na umanong alitan ang dalawa at may hinala ang pulisya na nais gumanti ni Abihay at nang magkaroon ito ng pagkakataon, niyaya nito ng inuman ang binata. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments