Misis nagtampo kay mister, nagpakamatay

Makaraang hindi napagbigyan ng kanyang mister ang kanyang kahilingan, isang misis ang nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbibigti sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City.

Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang nagbigting misis na nakilalang si Zayda Tiopento, 27, ng Purok Pag-asa, Batasan Hills ng nabanggit na lungsod.

Batay sa testimonya ng asawa nitong si Melchor na hindi niya alam na didibdibin ng kanyang asawa ang kanyang pagtangging pasamahin ito para manood ng basketball.

Sinabi pa ni Melchor na maayos pa siyang nagpaalam sa kanyang misis dakong alas-3 ng hapon para maglaro ng basketball.

Dakong alas-6:30 ng gabi ng umuwi ang mister at doon nadiskubre ang nakabiting katawan ng kanyang misis.

Sinabi ni Melchor na natatandaan lamang niya ang hiling ng kanyang asawa na sumama para manood ng laro, na kanya namang tinanggihan.

Nabatid pa sa mister na limang taon na silang nagsasama ng nasawi subalit hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak. Napansin din niya na sa mga nakalipas na araw ay naging malungkutin ang kanyang asawa. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments