Paslit na dinukot nasagip

Isang babae na hinihinalang kasapi ng kidnap-for-ransom syndicate ang naaresto ng mga operatiba ng Malabon police kasabay ng pagkakasagip sa 2-anyos na batang lalaki na dinukot nito kamakalawa sa nasabing lungsod.

Kinilala ni Supt. Ernesto Fojas, Hepe ng Malabon Police Station, ang suspek na si Veronica Labore, 35, ng Area 1, Block 3, San Rafael Village, Balut, Tondo, Maynila.

Ayon kina PO3 Ferdinand Espiritu at PO3 Jorge dela Cruz, ang biktima na si Ceejay Domingo, ng Lascano St., Brgy. Tugatog, Malabon City ay naglalaro sa tapat ng kanilang tirahan dakong alas 3:30 ng hapon noong Sabado nang lapitan ng nasabing suspek at dukutin ang bata.

Hindi umano nalingid sa kaalaman ng mga residente sa nasabing lugar ang ginawang pagtangay sa bata kaya agad nilang ipinagbigay-alam sa isang Brgy. Tanod na si Eliseo de Vera.

Agad namang humingi ng tulong si de Vera sa Brgy. Tugatog Police Sub-Station 1 at hinabol ng mga ito ang papatakas na suspek tangay ang biktima. Nasakote ang suspek may 15 metro ang layo sa pinangyarihan ng insidente.

Hinihinala na posibleng isang miyembro ng sindikato ng kidnap-for-ransom o ang suspek at tinarget nito ang biktima dahil sa nabibilang ang huli sa may kayang pamilya.

Base sa rekord, isa ring kahalintulad na kaso ang naganap noong Pebrero kung saan kinidnap ng isang babae na naaresto rin ng Malabon police ang isang batang lalaki at ibinenta nito ng halagang P1,500. (Ulat ni Pete Laude)

Show comments