Libu-libong 'ghost teachers' sa Maynila nabulgar

Ibinulgar kahapon ng isang organisasyon ng mga guro ang pagkakaroon umano ng libu-libong mga hinihinalang ‘ghost teachers’ ng Department of Education, Culture and Sports (DECS) sa lungsod ng Maynila.

Sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na nadiskubre nila ang anomalya sa hindi tugmang mga istatistika na ipinadala sa kanila ng DECS Undersecretary for Regional Operations Ramon Bacani.

Ayon dito, sapat umano ang bilang ng guro sa Division ng Manila kung saan may ratio na 1:23 o isang guro sa 23 mag-aaral sa isang klase. Pinasinungalingan naman ito ni ACT president Carol Almeda na ang aktuwal na bilang umano ng mag-aaral sa isang klase ay umaabot sa 60 hanggang 80 dahil sa kakapusan sa guro.

Dahil dito, lumalagpas pa umano ang mga guro sa mandatory six subjects load kada araw at pinupunan rin ang kakulangan ng may 2,008 city paid contractual teachers.

Dahil sa malaking discrepancy nito, lumalabas na pinunan ng DECS ang libu-libong teaching positions sa Manila ngunit wala namang aktuwal na nagtuturo. Dito umano patuloy na pinasusuweldo ng kagawaran ang mga ‘ghost employee’ na hindi mabatid kung sino ang kumukubra ng suweldo para sa kanila.

"Maaaring mali ang statistika ng DECS o may anomalyang nangyayari. Ang malaking diprensiya ng statistika at tunay na sitwasyon sa mga classroom ay dapat na maipaliwanag agad ng DECS," ani Almeda. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments