Lalaki nagwala, misis at biyenan pinagtataga

Matapos pagbawalan sa pag-inom ng alak, pinagtataga ng isang lasing na lalaki ang kanyang asawa at biyenan, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Nasa kritikal na kondisyon ngayon sa Philippine General Hospital ang biktimang misis na si Delma Bernales, 30, matapos magtamo ng malalim na sugat sa ulo, samantalang ang ina nito na si Conchita Calsaja, 51, ay nagtamo naman ng sugat sa panga. Naputol din ang apat na daliri nito sa kanang kamay makaraang tagain ng suspect na manugang.

Samantala, mabilis namang tumakas ang suspect na nakilalang si Edito Bernales, 41, walang trabaho.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa bahay ng mga biktima sa 339 Unit St., Bernardo Square, Better Living Subd., Parañaque City.

Nabatid na umuwing lasing ang suspect sa kanilang bahay nang ito naman ay pinagsabihan ng kanyang asawa na tumigil na sa pag-inom ng alak.

Nagalit ang suspect sa paninita ng misis kaya nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo. Narinig naman ng matandang Calsaja ang pag-aaway ng dalawa at namagitan ito.

Imbes na huminahon ay lalong nagalit ang suspect na mabilis na kumuha ng itak sa kusina at bigla na lamang tinaga sa ulo ang kanyang asawa, gayundin ang kanyang biyenan na naputulan pa ng apat na daliri sa kanang kamay. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments