Kinasuhan ni Maria Girlie Jose, general manager ng Equino Power Trading at residente ng #787 Coronado, Brgy. Hulo ang kanyang mister na si Gerardo Ocampo ng malicious mischief, oral defamation at unjust vexation.
Kasamang inireklamo rin nito ang mga kagawad ng SWAT sa pangunguna nina SPO1 Ricardo Gutierrez at PO2 Antonio Gallardo ng negligence of duty.
Sa ulat ni PO3 Romarico Sta. Maria, imbestigador, humingi umano ng police assistance si Ocampo sa Mandaluyong police dakong ala-1 ng madaling-araw upang arestuhin ang kanyang asawang si Maria dahil sa pakikipagtagpo umano nito sa ibang lalaki sa isang apartment sa may San Rafael St., Brgy. Plainview, ng lungsod na ito.
Nang makarating sa lugar, nakita nito ang asawa at ang umanoy lalaki nito sa loob ng naturang apartment sanhi upang magsisigaw sa labas si Ocampo upang palabasin ang dalawa. Nagawa pa nitong wasakin ang pinto ng bahay dahil sa pagsipa at pagbato rito.
Sa loob ng istasyon ng pulisya, inireklamo ni Jose ang kapabayaan umano ng mga pulis na hindi inawat si Ocampo sa pagwawala. Ikinatwiran pa nito na isang taon na umano silang hindi nagsasama ng asawa kaya wala na itong pakialam sa kanya.
Nabatid naman na nagsampa rin ng kasong adultery si Ocampo laban sa kanyang misis. (Ulat ni Danilo Garcia)