Sa 19 na pahinang desisyon, napatunayan ni Judge Teodoro Bay ng Branch 86 na ang mga akusadong sina Joseph Bautista, alyas Erap at Lawrence Go, alyas Rengie ay nagkasala sa kasong pagpatay kay Vincent Cirio Jr., noong nakalipas na Oktubre 24, 1994 sa Quezon City.
Batay sa testimonya ni Christopher Boquirin, pinalo ni Go ang biktima ng kahoy, pinagsusuntok at saka pinagsasaksak hanggang sa mapatay.
Agad namang dinala ng mga suspect na sina Rodolfo Magdaraog at Bautista sa isang sagingan ang bangkay ng biktima kasunod ng pagpugot sa ulo nito.
Lumitaw pa sa rekord na inilagay sa isang plastic ang ulo ni Cirio, samantalang itinapon naman ang katawan nito sa Dario Creek sa Brgy. Sta. Cruz kung saan natagpuan ito matapos ang dalawang araw.
Sina Magdaraog, Bernard Buan, Neil Arradaza at Marion Carangan ay naunang hinatulan ng life sentence ni Judge Lucas Bersamin sa naturan ding kaso noong 1998.
Sa naturang desisyon, binalewala ni Bay ang depensa ng mga akusado bunga na rin ng positibong pagkilala kay Boquirin ng mga testigo na kabilang sa grupo ng mga suspect.
Inatasan din ng korte ang dalawang akusado na bayaran ang pamilya ng biktima ng halagang P50,000 para sa civil indemnity, P101, 000 para sa aktuwal damages at P100,000 para sa moral damages. (Ulat ni Doris Franche)