Magkasintahan tiklo sa tanan, bebot ginulpi ng tiyo

Bugbog sarado ang inabot ng isang 23-anyos na dalaga matapos na maabutan siya ng kanyang tiyuhin na kasama ang kanyang kasintahan habang hinihinalang nagtatangkang magtanan ang dalawa sa labas ng kanilang bahay, kahapon ng madaling araw sa Pasig City.

Nagtamo ng samu’t saring pasa sa mukha at katawan ang biktimang nakilalang si Jeremy Ramirez, 23, dalaga, empleyado, at residente ng #11 Interior A. Mabini, Ramos St., Bgy. Manggahan, ng lungsod na nito.

Nakilala naman ang kanyang tiyuhin na si Enrico Ramirez, at residente ng naturang lugar.

Ayon kay P/Insp. Antonio Paulite, hepe ng Criminal Investigation Division (CID), dakong alas-12:15 ng madaling araw nang magtungo umano sa bahay ni Jeremy ang kanyang nobyo na nakilalang si Edward Dar, 25, ng Bgy. Mambugan, Antipolo City.

Dito umano nagising naman sa kanyang pagkakatulog ang tiyo dahil sa pagtawag ni Dar sa kanyang pamangkin. Nang kanyang labasin ito ay nakita nito ang dalawa sa labas ng bahay kung saan nagalit ang suspek dahil sa tangka umanong pagtatanan ng dalawa.

Inundayan umano ng saksak gamit ang isang kutsilyo ni Ramirez si Dar ngunit nailagan ito ng huli. Mabilis na tumakas si Dar papalayo upang hindi na mapahamak ngunit pinagbalingan naman ng galit ng suspek ang kanyang babaeng pamangkin na siya nitong ginulpi.

Agad namang nagreklamo sa pulisya ang magkasintahan laban kay Ramirez. Kasalukuyang pinag-aaralan pa ng pulisya ang pagsasampa ng kasong physical injuries at attempted homicide laban sa suspek. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments