Halagang P200,000 ang nailagak na piyansa ni Danny Singh at P80,000 naman ang naibigay na piyansa ni Rolando Marcelo, kapwa miyembro ng militanteng Sosyalistang Kilusang Manggagawa (SKM).
Si Singh na kilala sa tawag na alyas Bombay ay siya ring secretary ng Partido Marxista-Leninista ng Pilipinas (PMLP) at national leader ng ABB-PMLP at si Marcelo alyas Joel ang pangulo ng PMLP Education department.
Si Singh at Marcelo ay inaresto noong Lunes ng gabi sa unahan ng McDonalds food chain sa Philcoa, QC, matapos na makipagpulong sa kapwa SKM members kaugnay ng planong paglulunsad ng kilos-protesta sa panahon ng SONA ni Pangulong Gloria Arroyo sa Hulyo 23.
Nakuha sa mga ito ang ibat ibang matataas na kalibre ng armas kabilang na ang isang fragmentation grenade at subersibong dokumento.
Gayunman, nilinaw ni SKM Vice President Roel Garcia na ang matataas na kalibre ng armas at umanoy mga subersibong dokumento na nakuha sa dalawang kasamahan ay pawang planted lamang ng military, bilang isang senyales ng banta sa mga militanteng grupong magsasagawa ng pagkilos sa SONA ng pangulo.
Nadiskubre nila ang umanoy military harassment bunsod na rin ng hindi pagsasampa ng kasong murder laban kina Singh at Marcelo kahit na ang dalawa ay unang pinaghinalaang sangkot sa serye ng pamamaslang na ang pinakahuli umano ay ang Popoy Lagman slay case. (Ulat ni Angie dela Cruz)