Doktor ni Marcos dinakip sa estafa

Bumagsak sa mga elemento ng PNP ang dating chief cardiologist ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos na siyang medical director ng Philippine Heart Center dahil sa kasong four counts ng estafa sa isinagawang raid sa loob mismo ng tanggapan nito sa nasabing pagamutan sa Quezon City.

Kinilala ng pulisya ang dinakip na si Dr. Carlotos Saldivar, 61, practicing physician sa PHC.

Ayon sa nakuhang ulat mula sa Camp Crame, si Dr. Saldivar ay dinakip kahapon sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas noong pang Agosto 23, 2000 ng Makati Metropolitan Trial Court branch 63 sa Room 403 ng PHC kung saan matatagpuan ang tanggapan nito.

Napag-alaman na nang makita umano ng doktor ang presensiya ng arresting team ng pulisya sa loob ng kanyang clinic ay nagtangka pa itong manlaban ngunit hindi na nakapalag ng ipakita sa kanya ang arrest warrant.

Ayon kay Chief Inspector Lorenzo Holanday Jr. ng Anti- Carnapping Unit ng Traffic Management Group (TMG) na ang pagkakadakip sa doktor ay bunsod ng iniharap na reklamo ng isang Francisca Profeta ng Newton St., Makati City.

Base sa reklamo ni Profeta sa korte, nabigo umano ang doktor na bayaran ang P100,000 nitong pagkakautang sa kanyang rent-a- car business nitong nakaraang taon sa kabila nang paulit-ulit niyang paniningil at pakikiusap dito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments