Dispatcher pinatay ng adik

Pinaniniwalaang pinagtripang patayin sa saksak ng mga adik ang isang dispatcher, matapos matagpuan ang bangkay nito kahapon ng madaling araw sa Makati City.

Habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang malinaw na pagkakakilanlan sa biktima, ito ay nakasuot ng camouflaged na pantalon at kulay asul na polo shirt na may tatak na "Neo Mode" ay nagtamo ito ng malalim na saksak sa katawan buhat sa hindi pa batid na patalim.

Samantala, hindi pa rin nakilala ang mga suspek na hinihinalang mga adik at kaagad na nagsitakas matapos isagawa ang pamamaslang.

Base sa imbestigasyon ni PO3 Reynaldo Juan, ng Homicide Section, Makati City Police, dakong alas-2:00 kahapon ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa No. 4050 Bernardino St., Laperal Compound, Barangay Guadalupe Viejo, ng lungsod na ito ng mga residente.

Agad na ipinagbigay alam sa pulisya ang natagpuang biktima at may hinala na ito ay pinagtripang saksakin ng mga adik na gumagala-gala sa nabanggit na lugar. Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments