Namatay noon din sa lugar na pinangyarihan ng insidente sanhi ng mga tama ng bala ng 9mm pistol sa ulo at katawan ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspect. Ang mga ito ay tinatayang nasa pagitan ng 30-40 -anyos at may taas na 54 hanggang 55 talampakan.
Samantalang kasalukuyan namang ginagamot sa Tala General Hospital ang isa pa nilang kasama na hindi pa rin nakikilala. Ito naman ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa katawan at braso.
Base sa ulat ni Supt. Benedicto Gorrospe, hepe ng Station 3 ng Caloocan Police dakong alas- 10:30 ng umaga ng maganap ang insidente sa panulukan ng Malanting at Lawnan St., sa Amparo Subdivision habang sakay sa isang Tamaraw van si PO1 Eluterio Frias na nakatalaga sa CPD Station 10 papunta sa isa niyang kamag-anak.
Subalit pagsapit sa tapat ng isang tindahan kung saan nakatakda din siyang magdeliber ng mga panindang sigarilyo ay bigla na lamang silang hinarang ng tatlong suspect at nagpahayag ng holdap habang papasakay sa kanilang van.
Mabilis na nakabunot ng baril si Frias at pinagbabaril ang suspect, subalit gumanti ng pagpapaputok ang mga ito kaya nagkaroon ng ilang minutong pagpapalitan ng putok.
Tinamaan at namatay noon din ang dalawa sa mga holdaper, habang sugatan naman ang isa sa mga ito.
Narekober sa mga nasawing suspect ang isang cal.45 baril at isang uzi machine pistol. (Ulat ni Gemma Amargo)