Lalaki sinaniban nagtangkang magpakamatay

Hinihinalang sinaniban ng masamang espiritu ang katawan ng isang 17-anyos na lalaki na nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili ngunit nakasalba at nang magising ay nagmistulang mabangis na hayop na na-praning kahapon ng madaling-araw sa Sta. Ana, Maynila.

Ang biktima na kasalukuyang inoobserbahan sa PGH bunga ng kakaibang ikinikilos ay nakilalang si Alvin Biscayda ng 1701 Road 1 Sikat St., Punta, Sta. Ana.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Andrew, 25, dakong ala-1:40 ng madaling-araw kahapon nang makita ng ilang kapitbahay ang katawan ng biktima na nakabitin sa likuran ng kanilang bahay. Mabilis na tinanggal ng mga kapitbahay ng biktima ang pagkakabigti sa leeg nito (Biscayda) na isang nylon cord na halos ikaluwa ng mga mata nito at daliang isinugod sa naturang pagamutan.

Makaraan ang ilang oras ay idineklara na itong ligtas ng mga manggagamot ngunit nang magising sa kanyang hinihigaang kama ay bigla itong naging mabangis at nag-iba ang kanyang boses na lumaking parang sa demonyo at kung anu-ano ang lumalabas na masasamang salit sa kanyang bibig.

Sa tulong ng ilang kawani ng PGH ay nagapi at naitali ang dalawang paa at kamay ni Biscayda sa kanyang kama habang patuloy pa ring nagwawala at nanlilisik ang mga mata nito. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments