Ayon sa panukalang batas na inihain ni Biliran Rep. Gerardo Espina, pinagmumulan lamang ng matinding katiwalian ang ginagawang public auction o pagbebenta sa mga nakukumpiskang mga kontrabando kaya mas mabuti pang sunugin na lamang ang mga ito kaysa sa pakinabangan.
Kilala umano ang Bureau of Customs sa pagkakaroon ng matinding katiwalian at kalimitan ay nagkakaroon lamang ng sabwatan sa pagitan ng ilang opisyal at negosyante kapag nagkakaroon na ng public auction.
Lumalala umano ang pagnanakaw sa gobyerno dahil sa napakaraming oportunidad kagaya ng mga ipinagbibiling smuggled goods.
Kung susunugin umano ang pinagmumulan ng katiwalian ay siguradong magdadalawang isip ang mga negosyante na magpasok sa bansa ng kahit anong kontrabando.
Sa sandaling maisabatas, ang sinumang tao o opisyal ng Bureau of Customs na lalabag dito ay paparusahan ng pagkakulong na hindi bababa sa isang taon subalit hindi naman lalampas sa anim na taon, o multa na hindi bababa sa P10,000 subalit hindi naman tataas sa P100,000.
Ang Secretary of Finance ang aatasang magbigay ng kinakailangang alituntunin upang maipatupad ang panukala. (Ulat ni Malou Rongalerios)