3 holdaper tinangkang ipuslit ang kasamahan, nadakip

Sa halip na maitakas sa pagamutan ang sugatang kasamahan ay selda ang kinabagsakan ng tatlo pang hinihinalang holdaper, kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Manila.

Ang mga suspect ay nakilalang sina Exequiel Pragasa, 18; Nelson Sipagan, 18 at Victor Gargasin, 21.

Nabatid na tinangka ng tatlo na itakas ang isa nilang kasamahan na si Gerry Cruz, 18, na ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center na nadakip at nasugatan sa naganap na holdapan sa isang pampasaherong jeep sa Sta. Cruz, Manila, kamakailan.

Isang SPO1 Elmer Mauricio na nakatalaga sa Central Market Police Station 3 ang lulan sa nasabing jeep na biniktima ng grupo. Nabaril ng pulis si Cruz na iniwan ng kanyang mga kasamahan.

Gayunman, tinangka ng tatlo nitong kasamahan na itakas siya sa pagamutan, subalit doon naman nadakip ang tatlo.

Ngayon ay magkakasama na sila sa piitan. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments