Informant ng pulis pinatay

Isang 35-anyos na impormante ng pulis ang binaril hanggang sa mapatay ng isang hinihinalang tulak sa droga sa loob ng isang nakaparadang jeep sa Tondo, Manila, kahapon ng madaling-araw.

Ang biktimang natagpuang nakaupo sa kalye na may isang tama ng punglo sa leeg ay nakilalang si Roland Johnson, ng Dagupan Ext., Tondo.

Sa ulat ni PO3 Rodilio Lingcong, WPD-Homicide Section, naganap ang pamamaslang dakong alas-5 ng madaling-araw habang ang biktima ay natutulog sa loob ng pampasaherong jeep na nakaparada sa Dagupan Ext. ng nasabing lugar.

Kasalukuyang natutulog ang biktima nang lumapit ang di-nakikilalang suspect at agad na binaril sa leeg ang una at saka tumakas.

Kahit sugatan ay nagawa pa ng biktima na makababa ng jeep at humingi ng saklolo subalit walang sinuman ang tumulong dito hanggang bawian ito ng buhay.

Sa kasalukuyan, ang labi ng biktima ay nakalagak sa Sanctuary Funeral Homes para sa pagsasagawa ng awtopisya habang masusing iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing kaso. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments