3 dalagita 'pinilahan' ng mga barkada

Nilasing muna bago isa-isang ginahasa ng kanilang barkadang lalaki ang tatlong high school student, kamakalawa sa lungsod ng Makati.

Ang mga biktima na nasilaw sa pangakong P1,000 ng suspect na nakilala lamang sa alyas na ‘Tino’ ay itinago sa mga pangalang Jiggy, Jissele at Carmi, pawang 15-anyos at pawang mga 3rd year high school student ng hindi binanggit na paaralan.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni SPO3 Columbia Ferraren ng Childrens and Women’s Division ng Makati City Police Headquarters , dakong alas-6 ng gabi kamakalawa nang lumabas na sa klase ang tatlong magkakaibigan.

Nabatid na nag-aabang na sa gate ng paaralan ang suspect at sadyang hinintay ang mga biktima.

Nangako ang suspect na bibigyan ang tatlo ng tig-isang libo kung pauunlakan ang kanyang imbitasyon na mag-inuman sila sa bahay ng suspect sa Brgy. West Rembo.

Sa naturang bahay, nilasing ng suspect ang tatlong dalagita at nang makaidlip ang mga ito ay isa-isang ginahasa.

Ayon sa biktimang si Jiggy siya umano ang pinakahuling nagising sa kanilang tatlo at nang mamulat siya ay wala na ang kanyang mga kaibigan at ang suspect. Nakita rin niya ang P500 sa kanyang tabi na iniwan ng suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments