Rambol sa Makati: 1 patay, 3 sugatan

Isa ang nasawi, samantalang tatlo pa ang nasugatan makaraang magrambol at magsaksakan ang magkakalabang grupo ng mga kalalakihan, kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Hindi na umabot pang buhay nang isugod sa Ospital ng Makati ang biktima na nakilalang si Augusto "Boy" Camantigue, 23, ng Barangay Tejeros ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan.

Samantala nilalapatan naman ng lunas sa nabanggit na pagamutan ang mga sugatan na sina Donato Libao,19, ng Sta. Ana, Mla.; Dexter Gabes, 18, at Ronald Libao, 19.

Base sa imbestigasyon ni SPO4 Boy Molmisa, ng homicide section ng Makati Police, naganap ang insidente dakong alas-10:05 kamakalawa ng gabi sa Brgy. Tejeros ng nabanggit na lungsod.

Tiyempong nagkatagpo ang dalawang magkalabang grupo ng mga kalalakihan sa nabanggit na lugar na nauwi sa rambol at pagsasaksakan.

Ilang minuto ang nakalipas ay bumulagta na lamang si Camantigue at ang tatlo pang sugatan, habang mabilis namang nagpulasan ang mga sangkot sa rambol. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments