Bukod dito, pinagbabayad din ni QC-RTC Judge Jaime Salazar ng Branch 103 ng halagang P986,000 ang bawat isa sa mga akusadong sina Jose dela Cruz, 37; James Salboro, 31; Edwin Butch Gener, 44; at Ariel San Pedro, 31, bilang danyos sa mga naulila ni SPO1 Joven Ebona, 49, WPD police.
Pinagbabayad din ng korte ang mga akusado ng tig-P4,000 para sa driver na si Perry Edma na natangayan ng P2,000 cash at relo, samantalang tig-P3,000 naman ang babayaran ng bawat isang akusado sa konduktor ng bus na si Antonio Dormitoryo matapos limasin ng mga suspect mula dito ang buong araw na kita ng bus.
Batay sa rekord ng korte, naganap ang krimen dakong ala-1:15 ng madaling araw habang sakay ng Chinese Filipino Friendship Transport Inc. bus na may plakang PXZ-898 ang sampung kataong pasahero nito. Habang binabagtas ng naturang bus ang Commonwealth Avenue sa kanto ng Kalayaan ay nagpahayag ang mga armadong kalalakihan ng holdap.
Dahil sa komosyon sa loob ng bus ay nagising si SPO1 Ebona mula sa pagkatulog at nasaksihan ang nagaganap na holdap.
Agad na inilabas ng pulis ang kanyang baril at tinutukan ang mga suspect at hinikayat na sumuko, gayunman binaril agad siya sa ulo ng isa sa mga suspect.
Sa mga isinagawang pagdinig itinanggi pa ng mga akusado na may kinalaman sila sa kaso, subalit matibay ang naging ebidensiya ng mga testigo. (Ulat ni Angie Dela Cruz)