Magpinsang drug courier at financier ng ASG, arestado

Nadakip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-ASG) ang magpinsan na sinasabing drug courier at financier ng Abu Sayyaf Group makaraang tangkaing ipuslit sa Ninoy Aquino International Airport Centennial terminal 2 ang tatlong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6 na milyon, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat na tinanggap ni Chief Superintendent Marcelo Ele Jr., director ng PNP-ASG ang mga nadakip na suspects ay nakilalang sina Freddie Sultan, 35, at ang kanyang pinsang si Andy Sultan, 15, kapwa tubong Marawi City.

Ang dalawa ay nadakip habang pasakay sa Philippine Airlines flight PR-855 patungong Cebu dakong alas-6:30 ng gabi kamakalawa.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, nabatid na kasalukuyang ipinapasailalim sa X-ray check ang dalang bagahe ng mga suspect nang mapansin ni Aileen Laureta, non-uniformed personnel ang itim na imahe sa X-ray tv monitor.

Dahil dito, isinagawa ang manual inspection sa bagahe ng mga suspect at tumambad sa mga awtoridad ang brown envelope na nababalutan ng carbon paper na nasa pagitan ng mga makakapal na kurtina at malong na doon nakalagay ang may tatlong kilo ng shabu.

Sa isinagawang interogasyon, inamin ng dalawang suspects sa mga imbestigador na sila ay courier ng drug syndicate sa Cebu at financier umano ng bandidong grupo ng Abu Sayyaf.

Idinagdag pa ng dalawa na ang napagbebentahan ng shabu ay ipinambibili umano ng mga armas para sa mga bandido sa pamamagitan ng kanilang Manila based contact. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments