Pare tinodas ni kumpare

Ang hindi pagpirma sa isang papeles ng isang lalaki ang dahilan ng maaga nitong kamatayan matapos itong saksakin ng kanyang kumpare kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Dead-on-arrival sa Fatima Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Jesus Tagum, 49, ng Abes St., Dalandanan ng nasabing lungsod.

Mabilis namang naaresto ang suspek na si Danilo Buban, kumpare at kapitbahay ng biktima.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na katatapos lang ikandado ng biktima ang kanyang sidecar ng ito ay lapitan ng suspek dakong alas-7:00 ng gabi.

Isang papeles na hindi batid kung ano ang nilalaman ang umanoy pilit na pinapipirmahan sa biktima.

Subalit tumanggi ang biktima na ito ay pirmahan na ikinagalit ng suspek hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.

Bumunot ng patalim si Buban at inundayan ng sunud-sunod na saksak si Tagum at pagkatapos ay mabilis na tumakas sa lugar ng insidente.

Subalit ng magresponde ang mga awtoridad ay agad nitong pinuntahan ang bahay ng suspek at naaresto ito habang papatakas.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek at nahaharap sa kasong homicide. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments