Ayon sa isang department head, lito ngayon ang mga kawani kung sino ang susundin, kung ang itinalagang OIC ni Chairman Alfredo Benipayo o ang itinalaga ng apat na commissioner sa pamamagitan ng isang en banc resolution.
Nabatid pa na may mga nagpaplano na magsagawa na lamang ng isang kilos-protesta upang ipahayag ang kanilang di-pagsang-ayon sa nagaganap na power block sa loob ng Comelec sa pagitan ng mga Erap appointees at ng mga bagong talagang opisyal ng kasalukuyang gobyerno.
Dahil dito, nagsimula na namang magatungan ang mainit na hidwaan sa pagitan ng mga Comelec officials nang tahasang kontrahin nina Comm. Luzviminda Tancangco ang isang memorandum ni chairman Benipayo na nagtatalaga kina Comm. Rufino Javier at Rex Borra bilang mga officer-in-charge para sa judicial at quasi judicial at administrative and financial matters batay sa pagkakasunod.
Ang memorandum ay inilabas ni Benipayo noong Hunyo 22 bago ito nagtungo sa Stockholm, Sweden para dumalo sa Democracy Forum 2001 at International IDEA 6th Conference on Electoral Management simula Hunyo 27 hanggang Hulyo 1, 2001.
Hindi umano nagustuhan ni Tancangco ang ginawang biglaan at tila palihim na pag-alis at pagtatalaga ni Benipayo kina Javier at Borra.
Dahil dito, nagsama-sama sina Tancangco, Mehol Sadain, Ralph Lantion at maging si Javier mismo noong nakaraang Sabado at pinagtibay ang En Banc Resolution No. 4888 na nagtatalaga kay Comm. Javier bilang official Comelec OIC hanggang sa bumalik si Benipayo.
Hindi dumalo sina Borra at Florentino Tuazon sa nasabing en banc meeting kahit pa sila pinasabihan ni Lantion kung kaya nilagyan ng salitang absent ang dalawa sa tapat ng kanilang mga pangalan sa nasabing resolusyon. (Ulat ni Andi Garcia)