Kinilala ni Caloocan City Police chief Supt. Benjardi Mantele ang nadakip na suspek na kasalukuyang nakapiit at nahaharap sa mga kasong robbery, illegal possession of firearms at drugs ay si Charlie Lontoc, 26, ng #62 Sta. Monica Compound, Malinta, Valenzuela City. Siya ay nadakip sa Malonzo St. panulukan ng Samson Road dakong ala-1:20 ng madaling-araw at nakumpiska sa pag-iingat nito ang isang home-made shotgun na kargado ng bala at isang maliit na plastic na naglalaman ng di-nabatid na dami ng shabu.
Nabatid na si Lontoc ay matagal nang pinaghahanap ng pulisya hinggil sa kinasasangkutan nitong highway robbery kung saan isa umano itong lider ng mga kilabot na holdaper na bumibiktima sa mga pampasaherong jeep at bus sa CAMANAVA area at nagtangkang pumatay sa photojournalist na si Romy Herrera noong nakaraang Disyembre 20, 2000 sa Valenzuela City. Ayon kina PO3 Joseph dela Cruz at PO2 Edgar Manapat, si Lontoc ay naaresto sa isang maikling habulan matapos holdapin nito ang kanyang pinakahuling biktimang si Jun Bayante ng #434 Heroes Del 96 sa harap ng Best Friend eatery sa kahabaan ng Samson Road, Caloocan City. (Ulat ni Gemma Amargo)