Purok lider dedo sa ambush

Isang 59-anyos na purok lider ang nasawi makaraang tambangan at pagbabarilin ito ng dalawang hindi nakilalang salarin kahapon sa Parañaque City.

Nasawi noon din ang biktimang si Dominador Navo, ng Ford St., Camp Bagong Diwa, Taguig. Bukod sa pagiging purok lider, pangalawang pangulo ito ng isang home owners association sa nabanggit na bayan. Nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa ulo at dibdib buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Mabilis namang nakatakas ang dalawang hindi nakilalang suspek matapos ang pamamaril.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ni SPO3 Odeo Carino ng Criminal Investigation Division, Parañaque City Police na naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa harapan ng Bicutan Market, Brgy. San Martin de Porres ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na nakatayo ang biktima sa nabanggit na lugar nang bigla itong sinalakay ng dalawang suspek na sakay ng isang owner-type jeep na may plakang DKT-730 at walang pakundangang pinagbabaril na naging dahilan ng agarang kamatayan nito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments